Nagulat ang mga artistang kasali sa Metro Manila Film Festival (MMFF) ngayong taon dahil sa magandang reception ng tao sa 36th Parade of Stars kahapon, Disyembre 24.
Ang parada ng mga bituin ay ginaganap taun-taon upang i-promote ang mga pelikulang kalahok sa MMFF. Walo ang pelikulang kasali sa filmfest ngayong taon, kaya naman walo rin ang main floats na kasali sa parada.
Ito ang pagkasunod-sunod ng mga floats: Ang Tanging Ina Mo (Last Na 'To!, Father Jejemon, Super Inday and the Golden Bibe, RPG: Metanoia, Rosario, Shake, Rattle & Roll XII, Si Agimat at Si Enteng Kabisote, at Dalaw.
Nagsimula ang parada mula sa SM Mall of Asia, at natapos sa Quirino Grandstand.
Pasado ala-una ng hapon nang makaalis ang unang float sa MoA. Sa ganap na 5 p.m. na nang makarating ang huling float sa Quirino Grandstand.
Puno ng mga tao ang kalsada mula simula ng parada hanggang dulo. Pagdating ng Luneta, naipit na ang mga float dahil nakaharang na mga tao sa daraanan ng mga ito.
Sabik ang mga taong makita ang mga artistang nakasakay sa mga float. Bukod pa rito, nakikipag-agawan rin sila sa mga kendi, posters, at t-shirt na ipinamamahagi ng mga nakasakay sa float.
Pagdating sa Quirino Grandstand ay nagsibabaan na ang mga artista para sa isang maikling programa, hosted by German Moreno and Alex Gonzaga, kung saan inimbitahan nila ang mga tao na manood ng kani-kanilang mga pelikula.
FLOAT DETAILS. Ito ang mga detalye ng mga floats na nasa parada kahapon:
Tatlo ang float ng Star Cinema: Ang Tanging Ina Mo (Last Na 'To!), RPG: Metanoia, at Dalaw.
Nakasakay sa float ng Ang Tanging Ina Mo (Last Na 'To!) sina Ai-Ai delas Alas, Marvin Agustin, Shaina Magdayao, Jon Hall, at Nikki Valdez. Makulay ang disenyo ng float, at maraming bulaklak sa mga tabi nito. Naka-majorette costume ang pinaka-bida ng pelikula na si Ai-Ai.
Nakasakay naman sa float ng RPG: Metanoia ang mga Kapamilya child stars na sina Zaijian Jaranilla, Basty Alcances, Aaron Junatas, at Mika dela Cruz. Dahil ang pelikulang ito ang kauna-unahang 3D film na gawa ng isang local production outfit, may 3D glasses at popcorn sa design ng float nito. May mga life-size figures din ng mga karakter sa pambatang pelikulang ito.
Pulang-pula naman ang float ng Dalaw, ang horror film ng Star Cinema—may mga pulang kandila, pulang kurtina, at pulang pader. Nakasakay sa float na ito si Kris Aquino, Diether Ocampo, at Karylle. Nakikaway rin ang anak ni Kris na si Joshua.
Ayon sa mga staff ng Star Cinema na nakausap ng PEP, halos tatlong linggo raw na ginawa ang tatlong float. Mura lang daw ang ginastos at simple ang mga disenyo, dahil ang importante raw ay makita ng mga tao ang mga artista sa pelikula.
Dalawa naman ang float ng Regal Films: Super Inday and the Golden Bibe at ang Shake, Rattle & Roll XII.
Nakasakay sa float ng Super Inday and the Golden Bibe sina Marian Rivera, John Lapus, Jake Cuenca, at Jestoni Alarcon. Ipinakita ng float ang ilan sa mga elemento ng pelikula: may gintong itlog sa harapan ng float, at may golden bibe naman sa likod nito.
Dominante naman sa float ng Shake, Rattle & Roll XII ang kulay brown. Lumayo ito sa kulay na pula, na kadalasang disenyo ng mga float ng mga pelikulang horror. Nakasakay sa float na ito sina Carla Abellana, Andi Eigenmann, Mart Escudero, Gaby dela Merced, Rayver Cruz, Regine Angeles, Kristel Moreno, at Solo Kiggins.
Ayon kay Roselle Monteverde-Teo ng Regal Films, ilang buwan daw ang ginugol ng kanilang production designer para gawin ang dalawang float. Mga half-a-million daw ang kanilang nagastos para sa bawat float.
Marami ring stars na nakasakay sa float ng Si Agimat at Si Enteng Kabisote, na iprinodyus ng M-Zet, GMA Films, Octo Arts Films, Imus Productions, at APT Productions. Kasama dito sina Vic Sotto, Sen. Bong Revilla, Sam Pinto, Gwen Zamora, Jillian Ward, Joshua Dionisio, Barbie Forteza, Jhake Vargas, Bea Binene,Wally Bayola, Jose Manalo, Benjie Paras, Bing Loyzaga, at Alex Crisano.
Tila dinala ng float ang set ng Si Agimat at Si Enteng Kabisote, dahil maraming mga elemento ng pelikula ang nai-feature sa float, tulad ng espada, palakol, mga dragon, at iba pa.
Ayon kay Boy Tablizo, na isang production designer ng pelikula, December 15 daw sinimulang i-assemble ang float. Mga P450,000 naman daw ang suma-total na nagastos nila.
Samantala, nakasakay naman sa float ng Father Jejemon ng RVQ Productions sina Dolphy, Maja Salvador, Ejay Falcon, at ang Moymoy Palaboy. Mukhang maliit na katedral ang float ng Father Jejemon. Mayroon din itong isang glass case sa harap, kung saan umupo si Dolphy sa simula ng parada. Tila napagod agad si Dolphy kaya't sa kalagitnaan ng parada ay umupo na ito sa loob ng float.
Ayon sa isang staff ng Father Jejemon na nakausap ng PEP, tatlong araw lang daw ginawa ang float ng pelikulang ito. Lagpas P100,000 din daw ang nagastos nila.
Ang float naman ng Rosario ng Cinemabuhay Productions ang pinakakumplikado. Marami itong hagdan, at nakaupo ang bida ng pelikula na si Jennylyn Mercado sa pinakatuktok nito. Sa susunod na hagdanan naman nakatayo sina Sid Lucero, Yul Servo, at Dennis Trillo. Sa mga sumunod na hagdanan naman ay nakatayo ang mga dancers na naka-costume na tila mga performers sa Mardi Gras.
Ayon kay Albert Martinez, na direktor ng pelikula, kinuha nila ang konsepto sa bahagi ng pelikula kung saan nanalong 'Queen of Carnival' si Rosario. Dagdag pa niya, tatlong buwang pinag-isipan at binuo ang float. Ang presyo raw nito ay "somewhere between expensive and very expensive."
Sayang lamang at hindi nakaabot nang buo ang float ng Rosario sa Quirino Grandstand. Binaklas kasi ang float sa Libertad, corner Roxas Boulevard dahil masyado itong mataas para dumaan sa ilalim ng isang footbridge.
STAR'S REACTIONS. Nakapanayam ng PEP ang ilan sa mga bituin na sumali sa parada. Marami sa kanilang ang natuwa at nagulat sa magandang reaksiyon ng mga tao.
Natuwa si Marian Rivera ng Super Inday and the Golden Bibe dahil naririnig niya ang sigawan ng mga tao.
"Oo nga, e. Nakakatuwa kasi ultimo mga bata talaga, sinisigaw nila, 'Super Inday!'" saad niya.
Hindi naman makapaniwala si Sid Lucero ng Rosario dahil maraming tao ang nanood sa kalsada.
"I've never seen anything like this in my life. This is my first pelikula na nakasama ako, part ng Metro Manila Film Fest.
"Hindi ko alam na may floats talagang ganito. Hindi ko alam na bubuksan din ng Christmas and everything. I didn't even think the people will show up because its Christmas, but damn, ang daming tao," saad ni Sid.
Nalungkot naman si Dennis Trillo ng Rosario dahil sa nangyari sa kanilang float.
"Nagkaproblema ng kaunti yung float namin kasi masyado siyang mataas. So, merong area dun, mababa yung clearance. Yun kailangang baklasin namin yung... kung gaano siya kataas, kailangang bawasan namin yung taas niya. Yun lang naman," saad ni Dennis.
Optimitic naman si Kris Aquino ng Dalaw dahil sa magandang resulta ng parada.
"Ang daming tao this year na lumabas! May excitement talaga for our festival. It means na may tiwala talaga sila na magaganda ang lahat ng pelikulang ilalabas namin, so I wish everybody the best of luck," pahayag niya.
Reposted From PEP (Philippine Entertainment Portal)
No comments:
Post a Comment