Ang pagiging Comedy Concert Queen ni Ai-Ai delas Alas ay hindi lang napapatunayan sa tuwing meron siyang live performance sa mga concert, sa sarili man niyang show or as featured guest artist, kundi sa anumang pagkakataong nasa sentro siya ng entablado at pinanonood ng maraming tao.
Tulad kagabi, December 26, sa awards night ng Metro Manila Film Festival (MMFF) 2010, kung saan itinanghal si Ai-Ai bilang Best Actress para sa pagganap niya sa Ang Tanging Ina Mo (Last Na 'To)!.
Sa kanyang mahabang acceptance speech, naging emosyunal si Ai-Ai.
Ilang segundong hindi muna nakapagsalita dahil sa totoong pag-iyak, pero ito'y naging kaaliwan ng mga taong nanood ng seremonyas sa Meralco Theater dahil, sa sandaling nagsalita na ang actress-comedienne, ay tuluy-tuloy na ang pagbibitiw niya ng witty punchlines, na animo'y nasa comedy bar siya.
"Pasensiya na... Nahihiya kasi ako kung lahat sila nanalo, tapos ako lang ang hindi," umiiyak na simula ni Ai Ai, habang tangan sa may dibdib ang kanyang MMFF Best Actress trophy.
Earlier that night, tinawag din si Ai-Ai sa entablado ng mga kasama sa pelikula, led by Wenn Deramas (Best Director winner), para sa Best Picture award ng Ang Tanging Ina Mo.
Hindi dama ng audience ang matinding kaba na nararamdaman ni Ai-Ai ng mga sandaling 'yon dahil natural pang nagpatawa ang komedyana bilang pag-"thank you" rin.
"Ang gagaling n'yo," sabi niya, patungkol sa mga hurado. "Tama lahat ang desisyon n'yo... tama lahat!"
Wala pang best actress award no'n. Pero ang major awards (Best Picture, Director, Story, Screenplay, Supporting Actress, Child Performer) ay napagwagian na ng comedy film ng Star Cinema na pinagbibidahan ni Ai-Ai.
In a few minutes, in-announce na ngang si Ai-Ai ang nanalo bilang pinakamahusay na pangunahing aktres.
"THANK YOU!" Isa-isang binanggit ni Ai-Ai ang mga taong gusto niyang pasalamatan—buhay man o patay na—sa una niyang pagpanalo ng best actress award sa MMFF.
"Thank you so much po sa lahat ng mga bumoto," sabi niya, "at sa ABS-CBN family. Thank you po kay Direk Wenn na gumawa nitong lahat po. Lahat ng mga [gumanap na] anak ko—si Marvin [Agustin], si Shaina [Magdayao] na magagaling po dito. Kay Carlo [Aquino], kay Nikki [Valdez]...
"Thank you sa lahat po ng nagdasal para sa akin... Father Allan, lahat po ng Dominican nuns... Opo, nagdasal sila. Sabi nila, dapat Best Actress ako! Thank you sa mga bishop and the clergy!"
Nagtawanan ang audience sa bahaging ito ng speech ni Ai-Ai. At lalong nagtawanan sa sumunod na binanggit ng comedienne.
"Thank you sa mga kaibigan ko po na nagdadasal... Manager ko po, si Boy Abunda. Ang una kong manager, si Nap Gutierrez, tsaka yung namatay ko na pong manager, si Tita Angie [Magbanua]...
"Tsaka sa lahat po... Lito Alejandria, partner ko [sa business]. Lahat po ng mga press people na tumulong sa akin... sina Jobert [Sucaldito], si Richard Pinlac, si Tita Lolit [Solis], si Jojo Gabinete, si Ricky Lo, si Shirley Pizzaro, si Bayani San Diego, si Jun Nardo...
"Yung mga nakalimutan ko po, pasensiya na, pasasalamatan ko kayo sa The Buzz," banggit pa ni Ai-Ai.
KIDS AND CO-NOMINEES. "Siyempre po, dine-dedicate ko itong award na ito sa mga anak ko—kay Sancho [19 years old], kay Sean [17], at kay Sophia [14]," sabi rin ni Ai-Ai.
"Sa aking mga co-nominees... sino bang co-nominees ko?" tanong ni Ai Ai.
"Kay Kris [Aquino, para sa Dalaw], kay Jennylyn [Mercado, para sa Rosario]... Si Jennylyn ang mahigpit kong kalaban...
"Jennylyn, para sa 'yo rin 'to. Pasensiya ka na. Tutal, mas matanda naman ako sa 'yo, ibigay mo na 'to sa akin. Ibibigay ko sa 'yo, mas marami next time," kuwelang pagbibiro pa niya para sa Kapuso star, na nasa kaliwang bahagi ng audience section, katabi ng actor-boyfriend niyang si Dennis Trillo.
SPORT KRIS. Nasa kanang bahagi naman ng audience section si Kris at nakita itong nagtsi-cheer para kay Ai-Ai. Higit kailanman, ipinakita ni Kris na isa siyang good sport, lalo't matalik na kaibigan ang nagwagi.
Sa guesting nga nila ni Ai-Ai sa The Buzz noong hapon na 'yon ay sinabi ni Kris na kung hindi si Jennylyn ang mananalo bilang Best Actress ay gusto niyang si Ai-Ai ang mag-uwi ng tropeyo.
Kay Kris, nagsalita si Ai-Ai: "Friendship, sabi mo asa ako? Sabi mo, 'Asa ka pa?' O, tingnan mo!"
Hindi nabanggit bilang nominees for Best Actress noong gabing yun sina Jennylyn at Kris. Sa bagong ruling ng MMFF ay ang three top nominees lang ang babanggitin ng presenters.
Ang mga nakasamang nabanggit sa pangalan ni Ai-Ai ay sina Carla Abellana para sa Shake, Rattle & Roll 12 at Marian Rivera para sa Super Inday and the Golden Bibe.
Isinisigaw ni Kris na banggitin din ni Ai-Ai si Marian, pero nakalimutan na ng komedyana na banggitin ang Kapuso actress.
WISH FULFILLED. "Siyempre po, talagang nagpa-elevate po ako, sabi ko, 'God, sana mag-topgrosser kami at sana, Best Actress ako.' Ayan, ibinigay Niya agad. Thank you, God!" patuloy pa ni Ai-Ai, na muling napaiyak.
At press time ay pumapangalawa sa takilya ang pelikula ni Ai-Ai, kasunod ng nangungunang Si Agimat at Si Enteng Kabisote nina Vic Sotto at Bong Revilla.
In a few seconds naman, back to her element bilang comedienne ang award-winning actress, na may nakakatuwa pang sinambit:
"Isa lang po talaga ang hinihiling ko na hindi pa Niya ibinibigay—mapangasawa ko si Vic Sotto!
"Para kami na yung mag-produce [ng pelikula] at hindi ko na siya kalaban sa filmfest! Sa amin na lahat yung kita!"
Tawanan uli ang manonood, na may kasabay na palakpakan, bilang pagtanggap sa pagwawagi ni Ai-Ai.
"Thank you, Lord! Thank you po sa inyong lahat! God bless you po!" panghuling sambit ni Ai-Ai.
Reposted From PEP (Philippine Entertainment Portal)
No comments:
Post a Comment