Janelle Manahan out of hospital; recounts night of boyfriend Ramgen Revilla's murder
Ibinalita Martes ng gabi, Nobyembre 29, sa iba't-ibang primetime news programs ng tatlong malalaking TV networks—ABS-CBN, TV5, at GMA-7—ang paglabas sa ospital ni Janelle Manahan, kasintahan ng napaslang na aktor na si Ramgen Revilla.
Matapos ang isang buwan sa Asian Hospital and Medical Center sa Alabang, lumabas na si Janelle pasado alas-dos ng hapon, Nobyembre 29.
Kasama ng kanyang mga abugado, naka-shades, maong, at sweater ang dalaga na guwardiyado ng mga pulis.
Dahil hindi pa tuluyang gumagaling ang kanyang balikat, naka-armsling pa rin siya.
JUSTICE FOR RAMGEN. Bagamat hirap pang magsalita si Janelle dahil sa nakakabit na braces sa ngipin niya, nagpaunlak pa rin siya ng interview pagsakay niya sa kotse.
Ayon kay Janelle, "Gusto ko pong magpasalamat sa lahat ng mga nagdasal at saka sa lahat ng sumusuporta po para po sa justice [kay Ramgen].
"Whatever po needed yung help ko, ibibigay ko po."
Saan siya humuhugot ng lakas sa hinaharap niyang trials?
"Kay God po at saka sa love ng family at saka sa lahat ng sumusuporta po."
Napaiyak din si Janelle sa pangalawang buhay na ibinigay sa kanya.
Nangako siyang hindi titigil hangga't hindi nakakamit ang hustisya sa pagkamatay ni Ramgen.
Sabi ni Janelle habang umiiyak, "Ngayon lang po nagsi-sink in lahat, e. Hindi ko po alam."
Nakahanda raw si Janelle na tumestigo sa kaso ng napatay na nobyo.
Nanawagan din siya sa pamilya Bautista-Revilla.
"Sana po tulungan po nila akong mahanap yung hustisya para kay Ramgen. Yun lang po."
Galit ba siya sa pamilya ni Ramgen?
Sagot ni Janelle, "Hindi ko po talaga alam yung nararamdaman ko ngayon, e.
"Ngayon lang po talaga nagsi-sink in lahat.
"Hindi ko po talaga alam kung ano yung napi-feel ko."
TRANSFERRED TO A SAFEHOUSE. Bagamat na-interview ng lahat si Janelle, tanging ang ABS-CBN News reporter na si Jay Ruiz ang nakasama sa sasakyang sumundo kay Janelle.
Re-posted from PEP (Philippine Entertainment Portal)