Rumampa sa catwalk na naka-set up sa SMX Convention Center nung October 29 ang ilang Kapamilya at Kapuso stars.
Para ito sa Folded & Hung Streetcast Fashion Show 2010 na bahagi ng Philippine Fashion Week Spring Summer 2011 na tumakbo mula October 26-31.
Kabilang sa mga celebrities na rumampa suot ang mga damit mula sa collection ng Folded & Hung at ng sister company nito na Jellybean ay sina Princess Snell, Luane Dy, Gretchen Espina, Prince Stefan, Luis Alandy, Ervic Vijandre, Divine Lee, Tim Yap, Isabelle Abreira, Helga Krapf, Kazel Kinouchi, April Sun, Fretzie Bercede, Thara Jordana, Julz Savard, Rachel Bustamante, Lance Christopher, Jose Sarasola, Xian Lim, Enrique Gil, JP and JM Lagumbay.
Pinalakpakan naman nang husto ang paglabas at pagrampa ng premier endorsers ng dalawang clothing brand: Si Maja Salvador para sa Jellybean at sina Anne Curtis at Angel Locsin para sa Folded & Hung.
Wala naman sa fashion show ang isa pang endorser ng F&H na si Sam Milby dahil nung Thursday pa raw ito lumipad patungong Japan para sa Heartthrobs concert tour, kasama sina Piolo Pascual at iba pang Kapamilya stars. Pagkatapos ng Japan ay tutuloy ang Heartthrobs sa Guam at sa Dublin, Ireland.
Nang matapos ang rampahan, nakausap ng PEP (Philippine Entertainment Portal) at ng iba pang showbiz press si Angel.
Proud na proud ang dalagang aktres ng Imortal na bahagi pa rin siya ng pamilya ng Folded & Hung.
"Hindi ko masabi kung ano yung formula, kung bakit hanggang ngayon nandun pa rin yung tiwala nila sa akin. Siguro dahil pinaniniwalaan ako ng mga tao, kaya pinaniniwalaan din ako ng company. Yung mga ini-endorse ko pinagkakatiwalaan ko at saka mahal na mahal ko sila talaga. Kaya humahaba [yung samahan]," ang sabi ni Angel sa press.
LINKED TO CHITO. Hindi na nagpatumpik-tumpik ang press sa pagtatanong kay Angel dahil maikling panahon lang ang ibinigay ng handlers niya para sa interview.
Ilan sa mga maiinit na tanong sa aktres ay ang pagiging extra-close nila ng Parokya ni Edgar lead singer Chito Miranda.
"Please tigilan n'yo na po na i-link ako sa kanya, yun lang po ang masasabi ko. Kasi ang tagal na nun, e," natatawang pakiusap ni Angel sa nagtanong na press. Matagal na nga kasing magkakilala sina Angel at Chito bilang magkabarkada.
"Madalas kaming magkasama. Gusto mo, ibigay ko pa yung mga details ng pinupuntahan namin," ani Angel sa PEP nang sabihan na may nakakita raw sa kanilang dalawa na namamasyal sa The Hub sa Commonwealth Avenue, Quezon City.
"Ganun kasi siguro talaga pag magkabarkada. Siguro yung iba, wala pang ganung experience sa kabarkada na, alam mo yun, wala namang malisya."
Since close nga raw sila ni Chito, tinanong na rin kay Angel ang tungkol sa sensitibong tsismis na may anak na diumano si Chito at ang dating girlfriend nitong si Kaye Abad.
"Close kami, pero hindi kami ganun ka-best friend. Pero yung tungkol sa tsismis na yan... Wala, as in hindi ako naniniwala diyan. Respeto na lang kay Kaye, hindi ako naniniwala riyan," sagot niya.
A LESBIAN? Isa pang tsismis na ibinabato kay Angel ay ang pagiging tomboy diumano nito.
"Ay, gusto ko yan. Natatawa ako riyan," reaksyon agad ng aktres.
"Nakakagulat na... ganun na talaga kabilis [ang pagsulpot ng bagong tsismis]. Hindi ko talaga alam kung ano ang masasabi ko diyan, pero..."
Tawa lang nang tawa si Angel at nagbiro pa na subukan nga kaya niyang makipag-kiss sa isang babae. "Subukan lang natin!"
Pero ano nga kaya sa tingin niya ang dahilan kung bakit biglang may lumitaw na tsismis na ganun tungkol sa kanya?
"Well, siguro bukod sa may mga malisyosong tao na gustong gumawa ng issue, siguro may pagka-boyish din ako. Sorry, ganito po talaga ako, pero hindi naman po ako tomboy. Nagkaka-boyfriend po ako," natawa pa uling pagtatapos ni Angel.
Hindi kaya dahil malabo na din silang magkabalikan ng ex-boyfriend niyang si Luis Manzano?
"I think wala namang kinalaman doon," ani Angel. "Ano ba 'yan, hindi ko na yata alam kung ano ang sasabihin ko. Hindi ko na yata alam paano ko ipagtatanggol ang sarili ko sa mga ganyang bagay!"
Pero dahil nga sa walang balikang naganap sa kanila ni Luis, tila pinanindigan na raw yata ni Angel ang sinabi niya noon na wala pa siyang binabalikang ex.
"Ang sinabi ko nun, parang wala pa akong nababalikang ex. Yun ang pagkakasabi ko," paglilinaw niya. "Pero tingnan natin. Mahirap magsalita ng tapos, e."
FAITH IN GOD. Dahil nasa Halloween season, tinanong si Angel kung meron ba siyang supernatural experience na gustong i-share.
"Meron. Mahaba, pero wag na. Huwag na po nating takutin ang mga tao.
"May mga bagay tayong hindi mapapaliwanag sa mundo, may mga 'kasama' tayo. Pero ang mahalaga dun, meron tayong faith in God."
Nabanggit naman ang tagumpay ng Imortal sa timeslot nito at sa pagkakaroon ng mataas na ratings.
"Ay, sobrang lubos na kaligayahan. Nagpapasalamat kami. Kasi una, hindi naman naming alam kung kakagatin.
"Kasi noon may mga bumabatikos na parang Twilight daw. Pero pag pinanood n'yo naman po yung istorya namin, siguro may mga inspiration na kinuha, pero ibang istorya naman 'to dahil continuation ito ng Lobo. E, ang Lobo, nauna naman po kesa sa Twilight," sabi ni Angel.
SHOP AND SHARE RETURNS. Nagbalita na rin si Angel ng mas malaki at mas improved na Shop and Share, ang website na sinimulan nila ng kaibigan niyang si Anne Curtis bilang tulong sa mga nasalanta ng mga bagyong Ondoy at Pepeng.
Sa pamamagitan ng pondong nalikom nila mula sa mga benta ng mga gamit ng mga artista na nag-donate para sa kanilang cause, nakatulong sila sa mga operasyon ng Philippine National Red Cross (PNRC).
"Kami ni Anne, inaayos na namin yung Shop and Share 2. Dahil malapit na ang Christmas season, baka magkaroon kami ng bazaar. Para dun sa mga hindi techie. Pati yung mabibigat na gamit, madala namin at makita n'yo na, in person... ganun.
"Meron din kaming mga ipapakilala na mga bagong applications, para mas madali dun sa mga bumibili," balita pa ni Angel.
At tulad ng dating Shop and Share, buong-buo at 100 percent daw na lahat ng kikitain nito ay mapupunta sa Red Cross.
Reposted From PEP (Philippine Entertainment Portal)