Sa pagtatapos ng Survivor Philippines Celebrity Showdown, pinatunayan ng Brazilian-Japanese model turned actor na si Akihiro Sato na kayang madeklarang Sole Survivor gamit ang puso at mabuting hangarin.
Si Akihiro, o Aki sa kanyang mga kaibigan, ang idineklarang winner sa third season ng Kapuso hit realty show na Survivor Philippines.
Live na nai-broadcast ang finale mula sa Studio 5 ng GMA-7 kagabi, Disyembre 3.
THE FINAL FOUR. Apat na castaways ang nakarating sa finale. Bukod kay Aki, sila ay ang dating sexy actress na si Aubrey Miles, ang basketball player at model na si Ervic Vijandre, at ang model at make-up artist na si Solenn Heussaff.
Sa Final 4, si Aki ang pinakagusto ng mga manonood. Sa katunayan, siya ang nanguna sa poll na ginawa rito sa PEP (Philippine Entertainment Portal) sa tanong kung sino ang karapat-dapat manalo sa Final 4.
Sa apat kasing finalists, si Aki ang sinasabing "Mr. Nice Guy."
Ayon sa mga masugid na manonood ng Survivor, walang sinirang alliance at walang tinraydor na kapwa castaway si Akihiro.
Si Aubrey naman ang tinawag na "Pasimuno" sa season na ito dahil siya ang nagplano ng boot order, o kung sino ang dapat na matanggal tuwing Tribal Council.
Si Ervic naman ang naging kanang-kamay ni Aubrey at tinaguriang "The Player."
Si Solenn—na tinaguriang "Diwata ng Isla"—ay nagkaroon naman ng iba't ibang alliances, na isa-isa ring nasira dahil sa pagtalikod niya sa mga ito.
"Nice guy" rin ang tingin ng karamihan ng Jury kay Aki.
Ang jury ang bumoto para malaman kung sino ang magiging Sole Survivor, at binubuo ito ng mga natanggal ng castaways.
Kasama sa Jury sina Jon Hall, Aira Bermudez, Michelle Madrigal, Ahron Villena, Elma Muros, at Moi Marcampo. Huling nasama sa jury si Aubrey, na natanggal dahil sa Final 4 twist ng season na ito.
LIVE FINALE. Sa pagsisimula ng live finale ay binasa ng host na si Richard Gutierrez ang mga boto kung sino ang magiging ika-pito at huling miyembro ng Jury.
Parehong nakakuha ng tatlong boto sina Aubrey at Akihiro, samantalang tigda-dalawa naman sina Ervic at Solenn.
Dahil nagkaroon ng tie sa pagitan nina Aubrey at Akihiro, kinailangang bumotong muli ng jury at Final 4.
Sa second voting, si Aubrey ang nakakuha ng pinakamaraming boto kaya siya ang natanggal.
Naiwan sina Akihiro, Ervic, at Solenn para maglaban-laban sa titulong Celebrity Sole Survivor at cash prize na P3 million—tax-free.
Naging mahigpit ang labanan ng tatlong natitirang castaways. Si Akihiro ay nakakuha ng tatlong boto at tigda-dalawang boto naman nina Solenn at Ervic.
Dahil dito, si Akihiro ang idineklarang first Celebrity Sole Survivor.
WHAT WENT BEFORE. Sa Ranong Province, Thailand ginanap ang Survivor Philippines Celebrity Showdown, na isinagawa mula Hulyo hanggang Agosto 2010.
Nagtagal ng 36 na araw ang buong kumpetisyon.
Ito ang unang celebrity season ng Survivor Philippines, at ang aktor na si Richard Gutierrez ang naging host nito.
Kasali dito ang 18 celebrities sa Pilipinas, at hinati sila sa tatlong tribo: Magan, Sar Mayee, at Nagar.
Ang mga miyembro ng Magan ay sina Doc Ferdz Recio, Buhawi Meneses, Myka Flores, Elma Muros, Mico Aytona, at Solenn Heussaff.
Kasama naman sa Sar Mayee sina Aira Bermudez, Pretty Trizsa, Akihiro Sato, Ervic Vijandre, Karen delos Reyes, at Aubrey Miles.
Ang mga naging miyembro naman ng Nagar ay sina Jon Hall, Michelle Madrigal, Elma Muros, Moi Marcampo, at Ian Batherson.
May isang celebrity castaway na hindi nakasali sa kahit anong tribo dahil nag-quit ito matapos lamang ang dalawang araw. Ito ay ang StarStruck V Avenger na si Princess Snell, na hindi kinaya ang gutom sa isla.
Sunud-sunod ang pagkapanalo ng immunity ng tribong Nagar, dahil na rin sa pagiging malakas na leader ni Jon.
Samantala, naging pinakamahinang grupo naman ang tribong Magan, dahil na rin sa mga maling desisyon ng mga miyembro nito.
Unang natanggal sa Magan si Doc Ferdz, matapos magkaroon ng twist kung saan ang tribe leader na si Buhawi lamang ang boboto.
Sumunod na natanggal si Myka, na binoto ng tribo dahil sa pagkakasakit nito.
Ikatlong natanggal si Buwi, na binoto ng mga natitirang miyembro ng Magan na sina Solenn, Mico, at Elma matapos nila itong sisihin sa pagkakatanggal kay Doc Ferdz, na isa sa pinakamalakas nilang miyembro.
SHUFFLE. Matapos ang sunud-sunod na pagkatalo ng Magan sa immunity challenges, nagkaroon ng shuffle at na-dissolve ang nasabing tribo.
Ang naging miyembro ng bagong Sar Mayee ay sina Akihiro, Ervic, Aubrey, Elma, Michelle, Jon, at Trizsa.
Kasama naman sa bagong Nagar sina Karen, Mico, Ian, Aira, Ahron, Moi, at Solenn.
Dahil sa shuffle, nawalan ng kaalyansa si Karen, maliban kay Aira, at natanggal siya matapos matalo ang bagong Nagar sa immunity challenge.
Sumunod namang natanggal si Trizsa nang makita siyang hindi mapagkakatiwalaan ng kanyang tribong bagong Sar Mayee.
Sumunod namang natanggal sina Mico at Ian dahil sa isang double-elimination twist.
Sa part one ng double elimination episode, tinawag ng mga manonood na "traydor" si Solenn dahil sa pagboto niya kay Mico, na kasama na niya mula pa sa Magan.
THE MERGE. Matapos ang double elimination twist ay sumapit na ang merge. Nakasama sa merge sina Ervic, Aubrey, Aki, Jon, Michelle, Aira, Solenn, Elma, Moi, at Ahron.
Mas lalong naging solid sa merge ang Aubrey-Ervic-Aki alliance.
Unang natanggal si Jon, na sinasabing biggest threat ngayong season.
Sumunod namang natanggal si Aira matapos niyang pagplanuhang i-vote out si Ervic.
Tinanggal naman si Michelle, girlfriend ni Jon, dahil wala na siyang kaalyansa sa kumpetisyon.
Si Aubrey ang nagplano ng sumunod na boot order, na binase niya sa kung sino dapat ang kasama nila ng pinaka-alliance niyang si Ervic sa final three para masiguro ang kanilang panalo.
Sa pagtataya ni Aubrey, malaki ang tsansa niyang manalo kung kasama niya si Solenn.
Agad namang nabuo ang Aubrey-Ervic-Solenn alliance nang hindi alam ni Aki.
Sumama si Solenn sa alliance dahil nakita niyang mas malaki ang tsansa niyang manalo kung kasama niya ang dalawang "villain" ng season.
Natupad ang boot order ni Aubrey: sunud-sunod na natanggal sina Ahron, Elma, at Moi.
Nagkaroon naman ng Final 4 twist: apat na castaways ang natitirang maglalaban-laban para sa titulo at cash prize.
Bago umalis sa isla, bumoto ang Final 4 at ang jury ng nais nilang matanggal, at magiging huling miyembro ng jury.
Magkakaroon naman ng live voting sa Pilipinas para malaman kung sino ang magiging Sole Survivor.
VOTE REVEALED. Kagabi lamang ipinaalam ang resulta ng botohan para sa ika-pitong miyembro ng jury.
Live na binasa ang boto, at ipinakitang tie ang resulta para kina Aubrey at Aki. Samakatuwid, awtomatikong pasok na sa Final 3 sina Ervic at Solenn.
Nagbotohan naman muli ang Final 4 at jury para malaman kung sino kina Aubrey at Aki ang matatanggal.
Nang binasa muli ang boto, idineklara si Aubrey na pampitong miyembro ng jury.
Matapos nito, binigyan ng pagkakataon ang Final 3 na magbigay ng maikling speech para sa jury.
Pahayag ni Aki, ginawa lamang niya ang nararapat at magiging mabuting halimbawa para sa manonood kung siya ang mananalo.
"We can show the right thing," sabi niya.
Saad naman ni Ervic, siya raw ang "pinaka-nangangailangan" ng titulo at ng premyong P3 million.
Ayon naman kay Solenn, marami siyang pinagdaanan para marating ang Final 3.
"I came from a broken tribe, I broke a lot of my alliances, and I'm the only Magan standing... I'm in every Tribal Council of this season except one, and I'm the only last girl standing," sabi niya.
Binigyang din ng pagkakataon ang mga malalapit na tao sa Final 3 para magbigay ng pahayag para sa jury.
Unang nagsalita si Louie Heussaff, na ama ni Solenn. "She's fair, she's good, and she's my daughter," pahayag nito.
Ayon naman kay Joseph de Leon, na kaibigan ni Aki, ang Brazilian-Japanese model-actor daw ang pinaka-nangangailangan ng pera sa tatlo. Ito rin daw ang may hangaring tumulong sa mga charity kapag nanalo.
Saad naman ni Vicky Vijandre, ina ni Ervic, mahirap ang pinagdaanan ng kanyang anak para lamang makasali sa Survivor Philippines.
JURY VOTES. Matapos ang speech ng Final 3 at ng kanilang mga kamag-anak at kaibigan, bumoto na ang jury.
Sa harap sila ng audience nagsulat ng boto. Matapos isulat ang pangalan ng gusto nilang castaway, itiniklop nila ang papel at nagbigay ng pahayag sa camera para ipaliwanag ang kanilang boto.
Si Jon ang unang bumoto. Ayon sa kanya, hindi raw charity ang Survivor Philippines kaya binoto niya ang pinaka-deserving at hindi ang taong nangangailangan ng pera.
Ayon naman kay Aira, humanga siya sa taong ibinoto niya.
Humanga naman si Michelle sa ginawa ng castaway na ibinoto niya sa final challenge.
Natuwa naman si Ahron dahil hindi raw sumuko ang kanyang binoto.
Saad naman ni Elma, ang ibinoto niya ay ang pinaka-deserving para sa kanya at sa mga Pilipino.
Ang ibinoto naman ni Moi ay gumamit daw ng "utak at puso."
Tingin naman ni Aubrey, ang binoto niya ang "pinaka-deserving."
AKI WINS. Matapos nito ay binasa na ni Richard ang mga boto. Naging head-to-head ang labanan, at sa huli ay idineklarang panalo si Aki.
Nakakuha ng tatlong boto si Aki mula kina Elma, Aira, at Jon.
Nakakuha ng dalawang boto si Ervic mula kina Moi at Aubrey.
Nanggaling naman kina Ahron at Michelle ang dalawang boto ni Solenn.
Naghiyawan ang mga tao sa studio nang i-announce ang pangalan ni Aki bilang Sole Survivor.
Mismong ang presidente ng GMA-7 na si Atty. Felipe Gozon ang nag-abot kay Aki ng tseke na nagkakahalaga ng P3 million
THE SOLE SURVIVOR. Na-interview ng PEP si Aki ilang sandali matapos ang live finale.
Halatang shocked pa si Aki at halos hindi makapagsalita.
"I don't know what word I can say. Just again say, thank...maraming salamat sa Survivor," sambit niya, habang suot-suot ang necklace na sumisimbolo ng kanyang pagkapanalo.
Hindi raw niya in-expect na mananalo siya.
"Kasi sobrang tight, lahat sila, nung the vote, the other castaways, was really tight. So, you really don't know how many chances I have."
Nagpasalamat din siya sa kanyang mga tagahanga, na ang iba ay dumayo pa sa studio para panoorin siya nang live.
"This time now, I just like to thank all of my fans for support. Not just all of the fans, pero the Survivor support. It's wonderful," sabi ni Aki.
Kinumpirma niya ring tutulong siya sa charity.
"Siyempre naman, I work with Gawad Kalinga. I like to help people... Siyempre gusto ko to help. I'm looking to help more people," aniya.
Ano ang plano niya ngayong nanalo siya?
"A lot of things. I want to bring my family [from Brazil]. I have the possibility to make a business," sagot ni Aki.
Gusto rin daw ng modelo na bumili ng sarili niyang sasakyan.
Sa kanyang panghuling pahayag, sinabi ni Aki na narating niya ang panalo nang hindi gumagawa ng masama.
"Good thing for the Filipinos, like you don't need to play dirty. You can play with your heart to get to where I am now. I don't know, thank you so much," saad niya.
Reposted From PEP (Philippine Entertainment Portal)